Saturday, September 26, 2009

Samu't saring karanasan

Iba talaga ang aking pakiramdam sa tuwing ako’y bumabalik sa aking mahal na bayan. May galak sa aking puso at tuwa sa aking isipan kahit na paulit-ulit bawat linggo ang aking paroo’t parito. Isang linggong hamon ng pakikibaka. Lahat ng lungkot at agam-agam ay napapawi. Napapalitan ng panibagong lakas at pag-asa ang napapagal kong katawan kapag ako’y nakabalik na.

Ang aking tinutuluyan sa ibang lugar kapag ako’y na de-destino ay paiba-iba. Minsan ako’y tumutuloy sa hotel o di kaya’y lodging house. Maganda pag ako’y nakahanap ng boarding house. Katulad nitong ako’y nasa Kabacan. Nakakuha ako ng isang boarding house sa tulong ng aking ka-opisina. Di naman masyadong maganda ang silid subalit tama na sa akin ang ganoong kwarto. May isang kamang gawa sa kahoy at mga built-in cabinet na mapaglagyan ng mga kagamitan. Dalawa lang ang aking bag na dala-dala kapag ako’y naglalakbay. Walang masyadong mabigat na pasanin. Halos mga kakailanganin lang ang aking bitbit: mga damit, sapatos, panloob na kasuotan, sipilyo, iba’t ibang klase ng gamot, kwarderno, pluma at iba pa. Syempre di ko makalimutang dalhin ang aking Bibliyang bigay pa sa akin ng aking kaklase noong high school. Ito ang palaging nagbibigay sa akin ng inspirasyon sa anumang sitwasyon ng aking paglalakbay. May dala din akong pocketbook na mapaglibangan ko kapag ako’y walang ginagawa lalo na sa himpilan ng bus. Nakakabagot maghintay subalit kapag may dala akong libro, ilang pahina lang ng masayang pagbabasa ay nandyan na ang paparating na bus.

Masaya tumuloy sa boarding house. Marami kang makikilalang bagong kaibigan. Sa aking bagong tinutuluyan, maraming mga estudyante. Masarap makipagkwentuhan sa kanila. Huwaran ang kanilang pananaw. Sila’y puno ng sigla’t kagalakan. Parang naalala ko rin ang aking mga karansan bilang estudyante noon sa MSU. Kayraming aralin at mga asignaturang gagawin, mga gawaing sosyal at sibiko ang aking inatupag noon. Nakakapagod man ay sulit din ang tagumpay na aking nakamtan. Isang prestihiyosong titulo ang iginawad sa aking masusi at matiyagang pagsusunog ng kilay.

Sa aking kasalukuyang estado, lubos ang aking kagalakan sa mga panibagong hamon. Bilang isang binata, walang masyadong problemang kinkaharap. Madestino man ako sa malayong lugar, wala akong pangamba. Solong katawan ko lang ang aking intindihin, walang alinlagan. Di naman ako sobrang materyoso kaya wala akong problema sa mga bagay bagay. Ang mahalaga’y makakain lamang sa tamang oras at makapagpahinga kapag sumapit ang dilim. Di ko inaalala ang anupamang bagay sapagkat alam ko na ang lahat ng aking kakailangannin ay tutugunan ng Poong Maykapal.

Minsan kapag ako’y nasa aking higaan at nakikita ko ang aking paligid, naiisip kong napakasimple ng buhay. Sa dala dala kong dalawang bag, hawak ko ang mundo. Dalawang bag lang ang buhay ko. Pakiramdam ko, ako’y tunay na mayaman dahil wala akong ibang mabigat na pasanin.

Hindi naman lahat masarap o di kaya madali ang buhay manlalakbay. Sa totoo, napakaraming suliranin ang aking kinakaharap. Ako’y pihikan din subalit sa mga panahong kinakailangang magtiis, nakakayanan ko ring magtiis. Sa panahong ako’y maysakit, mahirap din. Nandiyan ang masamang pakiramdam. Kailangan magpahinga subalit kailangan magtrabaho. Pinipili kong kayanan ang aking karamdaman sapagkat alam kong mas mahalaga ang aking pagpasok sa trabaho. Gumagaan naman ang aking pakiramdam sa mabuting pakikitungo ng aking mga kasama sa trabaho. Masaya sa piling nila.

Dahil dito, napagtanto ko na walang imposible sa buhay. Lahat kakayanin pag nasa positibong pananaw. Kung nakikita ang kapangitan sa anumang bagay, lahat ng negatibo ay matatanaw subalit pag kagandahan naman ang nakikita sa anumang bagay, nandoon din ang lahat ng kabutihan.

No comments: